Nagpahayag ng suporta si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga hakbang laban sa korapsyon kasunod ng pagkakaaresto sa contractor na si Curlee Discaya kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinilbi kay Discaya ang warrant of arrest para sa kasong malversation na may kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon sa mga flood control project.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Sotto na umaasa siyang mas marami pang sangkot sa katiwalian ang mapanagot sa ilalim ng batas.

Bagama’t nagpahayag ng pagkadismaya sa patuloy na mga kaso ng korapsyon sa bansa, binanggit ni Sotto na nakikita niya ang ilang positibong hakbang sa kampanya laban dito.

Ayon pa sa alkalde, hindi lamang flood control projects ang usapin kundi isang halimbawa umano ito kung paano naaabuso ang sistema para sa pansariling interes.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan din si Sotto sa publiko na manatiling mapanuri at aktibong bantayan ang mga iregularidad sa pamahalaan upang mapalakas ang pananagutan ng mga opisyal at iba pang sangkot sa katiwalian.

Samantala, nananatili sa kustodiya ng Senado si Curlee Discaya matapos ma-contempt sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.

Nasa kustodiya naman ng Lapu-Lapu City Jail sa Cebu ang kanyang asawang si Sarah Discaya kaugnay ng parehong imbestigasyon.