Nanawagan ang unyon ng mga empleyado ng Senado sa mga senador, opisyal, at iba pang stakeholders na igalang ang professionalism at dignidad ng mga kawani sa gitna ng umiiral na tensyon sa Mataas na Kapulungan.

Sa inilabas na pahayag ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O.), iginiit ng unyon na ang mga empleyado ng Senado ay naninindigan sa batas, tungkulin, at serbisyo publiko, at hindi sa anumang political loyalties.

Ayon sa grupo, patuloy nilang ginagampanan ang kanilang mga responsibilidad sa kabila ng kawalan ng kasiguraduhan dulot ng mga pangyayari sa Senado nitong mga nakaraang linggo.

Gayunman, sinabi nilang hindi dapat maging biktima o “collateral damage” ang mga empleyado sa mga sigalot na wala silang kinalaman at hindi nila kontrolado.

Ipinahayag din ng unyon ang kanilang pangamba sa mga banta at pressure na umano’y nararanasan ng ilang kawani na tumulong sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Hunyo 4.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ng grupo, nagdudulot ng stress at anxiety sa mga empleyado ang kalituhan kung aling mga direktiba, work arrangements, at protocols ang dapat sundin sa kasalukuyang sitwasyon.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga kawani ng Senado ang kanilang patuloy na katapatan at dedikasyon sa paglilingkod sa publiko at sa institusyon ng Senado.