Mahigit 30 katao, kabilang na ang ilang pulis, ang sangkot umano sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero, batay sa salaysay ni alyas “Totoy,” isa sa mga akusado.
Ayon kay alyas “Totoy,” isa sa mga akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero, mahigit 30 katao ang sangkot sa insidente, kabilang na ang mga aktibong pulis at ilang sibilyan.
Batay sa ulat, isiniwalat ni Totoy na may tinatayang 108 katao, bukod pa sa isa, ang konektado sa mga insidente sa mga lugar gaya ng Lipa Farm at Siniloan Farm.
Sa kanyang pagtaya, nasa 10 katao ang sibilyan habang 20 naman ang nasa serbisyo bilang mga uniformadong personnel.
Sinabi rin ni Totoy na may pananagutan ang mga security guard sa sabungan, dahil sila ang unang nag-turn over sa mga biktima sa mga unipormadong lalaki.
Matapos ang turnover, ang mga ito umano ang nagdala sa mga sabungero sa lugar kung saan sila pinaslang.
Isiniwalat din niya na balak niyang isama sa kaso ang may-ari ng lupang pinaniniwalaang pinaglibingan ng mga biktima.
Ayon sa kanya, ipinakita sa kanya ang isang video na nagpapakitang sa Talisay, Batangas—sa isang palaisdaan—nila inilibing ang mga ito.
Ang may-ari ng lugar ay isang pulis at kasama rin sa kakasuhan.
Dahil sa takot na matunton, patuloy na nagpalipat-lipat ng lugar si Totoy upang makaiwas sa mga taong posibleng sumunod sa kanya.
Kinumpirma ng Department of Justice na kasalukuyang inaayos ang mga dokumento para sa posibleng pagsali ni Totoy sa Witness Protection Program.
Tiniyak naman niya sa pamilya ng mga biktima na sisikapin ng mga awtoridad na mailantad ang buong katotohanan bago matapos ang buwan.