TUGUEGARAO CITY-Tinutugis na ng mga pulis ng lungsod ng Tuguegarao ang gunman na bumaril-patay sa isang lalaki sa Barangay Bagay 8:00 kagabi.

Kinilala ni PLTCOL Richard Gatan, hepe ng PNP Tuguegarao ang gunman na si Rodel Noble.

Sinabi ni Gatan na batay sa kanilang imbestigasyon, galing si Noble at kanyang kasama na si Rongie Del Rosario, isang Coast Guard kagabi sa nasabing barangay at pauwi na sila mula sa pista sakay ng motorsiklo nang sitahin sila ng isang residente na si Francisco Mallillin sa kanilang pagpapatakbo dahil sa may mga bata na naglalaro sa daan.

Hindi umano nagustuhan ni Noble ang paninita sa kanila kaya inilabas nito ang kanyang baril.

Inagaw ng kanyang kasama na Coast Guard ang baril kaya nagkaroon sila ng pagtatalo hanggang sa ibinalik din ang baril sa gunman.

-- ADVERTISEMENT --

Dito naman hinila ng tiyahin si Mallillin para pumasok na sa kanilang bahay kung saan ay lumabas naman ang biktima na si Gilbert Alvarez kaya siya ang nabaril ng gunman gamit ang 9mm pistol.

Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima na dinala pa sa ospital subalit idineklara siyang dead on arrival ng umasikasong duktor.

Sinabi ni Gatan na agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation matapos na makita sa CCTV footages ang pinuntahang direksion ng mga suspect at maging ang plaka ng kanilang motorsiklo.

Ayon kay Gatan, nahuli si Del Rosario, ang coast guard sa kanilang bahay sa Ugac Sur habang iniimbestigahan pa ang kinaroroonan ni Noble.

Sinabi ni Gatan na nasa kustodiya pa nila si Del Rosario para sa interogasyon at pinag-aaralan ang kasong isasampa laban sa kanya kaugnay sa kanyang naging papel sa nasabing pamamaril.