TUGUEGARAO CITY-Sugatan ang isang lalaki matapos umanong pagtulungang saktan ng mag-aamang suspek sa lungsod ng Tuguegarao.
Kinilala ang biktima na si Sandito Malonga, 52 anyos ng Barangay Libag Sur.
Sinabi ng pulisya , batay sa kanilang imbestigasyon, naghuhukay ng lupa para sa ipapatayong poste ng kuryente ang biktima nang salakayin ng mga salarin.
Una umanong sumugod si Christian Allam, 24-anyos at sinuntok sa mukha ang kanyang tiyuhin na sinabayan ng kanyang ama na si Zaldy, 48-anyos sa pamamagitan ng pagpalo ng pala.
Bagamat natumba na ang biktima ay dito na umano pinagtulungang bugbugin ng mag-aama ang biktima kasama si Santiago, 20 anyos hanggang sa dumating ang iba pang mga kaanak upang umawat.
Sinubukan pa umanong batuhin ng mga suspek ang biktima subalit nakailag lamang ito.
Nabatid na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima sa pinsan nitong si Zaldy dahil sa isyu ng right of way.
Nahaharap ngayon ng kasong frustrated homicide ang mag-aama na hawak na ng pulisya.