
Aminado ang Malacañang na kaya hindi naisasama sa financial assistance ang mga nasa middle class ay dahil limitado ang pondo ng pamahalaan at prayoridad nitong matulungan ang mga pinakaapektado ng mataas na presyo ng langis dulot ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Ito ang paliwanag ng Palasyo matapos matanong kung anong tulong ang maipagkakaloob sa middle class na nagbabayad ng buwis ngunit hindi kabilang sa mga benepisyaryo ng mga ayuda.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinagkakasya ng pamahalaan ang available na budget upang matulungan ang mga sektor na higit na nangangailangan.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na hindi man direktang cash ang naibibigay sa mga middle class, may iba pa naman daw hakbang ang gobyerno upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa kanila.
Kabilang dito ang subsidiya sa sektor ng transportasyon upang hindi muna magtaas ng pasahe, gayundin ang pansamantalang libreng toll para sa mga delivery truck upang makatulong na mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang UPLIFT Assistance Program na magbibigay ng dalawang libong pisong ayuda sa mga mahihirap at low-income na pamilya kasunod ng muling pagtaas ng presyo ng langis.










