
Posibleng i-lockdown ang Senado kapag lumitaw na may malinaw na banta sa seguridad.
Ito ang inihayag ni dating Senate President Senator Vicente “Tito” Sotto III sa harap ng natanggap na intelligence information ng mga senador mula sa mga otoridad kaugnay ng umano’y banta sa seguridad ng Senado.
Sinabi ni Sotto na kapag makitang may clear and present danger sa seguridad ng mataas na kapulungan, ang pag-lockdown ang isa sa mga maaaring gawin sa institusyon.
Ayon sa impormasyon na nakuha pa ni Sotto mula sa intelligence community, “very serious” ang banta.
Una rito, isiniwalat ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian na may natanggap silang impormasyon mula sa NBI na may threat sa Senado, bagamat hindi ito idinetalye.
Kaugnay nito, makikipagpulong si Gatchalian sa Senate Executive Committee kasama ang Sergeant-at-Arms para sa kinakailangang security adjustments.
Dagdag pa ni Gatchalian, ang seguridad at kaligtasan ng mga senador at lahat ng empleyado ang pinakamahalaga kaya tinitiyak nila na ang buong Senado ay ligtas at secure.










