
Posibleng pagpaliwanagin ng Senado si Office of the Vice President (OVP) Chief-of-Staff Zuleika Lopez kapag hindi ito sumipot sa itinakdang pagtestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate Impeachment Court spokesperson Reginald Tongol. Aniya, maaaring magpalabas ang impeachment court ng show cause order upang hingan ng paliwanag si Lopez kung bakit hindi nito sinunod ang ipinadalang subpoena at kung may sapat itong dahilan sa hindi pagdalo.
Inatasan si Lopez na humarap sa impeachment court sa Hulyo 13 at 14 upang magbigay ng mahalagang testimonya kaugnay ng kaso laban sa bise presidente. Nitong Huwebes, nagtungo siya sa Senado para sa isang coordination meeting kasama si Senate Secretary Renato Bantug Jr., kung saan tinalakay ang mga administratibong paghahanda, kabilang ang upuan ng mga panauhin ng depensa, seguridad, at paghahanda kaugnay ng Bagyong Inday.
Samantala, sinabi rin ni Tongol na naghanda na ang Senado ng holding room para kay Vice President Duterte sakaling dumalo ito sa mga pagdinig. Inaasahan din sa ikalawang linggo ng paglilitis ang pagtestigo nina Lopez at National Bureau of Investigation (NBI) official Jeremy Lotoc, habang inatasan naman ang prosecution at defense na magsumite ng kani-kanilang memorandum kaugnay ng subpoena sa financial records at tax documents ng bise presidente.








