Lumitaw sa isang pader sa Barangay San Miguel, Palo, Leyte ang tila mukha ni Hesus matapos ang pag-ulan, ikinagulat ng mga residente. Maraming tao ang nagtigil sa lugar upang magdasal at magsindi ng kandila, lalo na’t malapit ang pader sa Missionaries of Charity.

Nilinaw ng simbahan na hindi agad masasabing himala ang pangyayari. Ayon kay Fr. Francis Lucas, karaniwang natural phenomenon ang ganitong imahen at kailangan ng mahabang pagsusuri bago ideklara bilang aparisyon.

Ayon sa eksperto, maaaring ito ay halimbawa ng pareidolia, isang psychological phenomenon kung saan nakakakita ang tao ng pamilyar na mukha o hugis sa mga random na pattern. Ipinaliwanag ni psychiatrist Randy Dellosa na normal itong karanasan ng utak sa pagproseso ng impormasyon.

Dagdag ni Dellosa, tuwing Semana Santa, mas sensitibo ang damdamin ng tao sa espiritwal na karanasan. Aniya, kung nagsisilbing paalala ang imahen, maaari nitong hikayatin ang mga tao na muling magbalik sa pananampalataya.