Ibinunyag ni Ramil Madriaga na umano’y naipamahagi sa loob lamang ng 24 oras ang ₱125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President noong Disyembre 2022.

Sa kanyang supplemental affidavit sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Sara Duterte, sinabi ni Madriaga na isinagawa ang mga delivery noong Disyembre 20, 2022 sa ilang lokasyon kabilang ang San Pablo, Laguna, Quezon City, Pasig City, at tanggapan ng Ombudsman.

Ayon sa kanya, inutusan umano siya na makipag-ugnayan sa ilang opisyal para sa tinawag na “transport” ng malalaking halaga ng pera, na inilarawan niyang umaabot sa tig-₱30 milyon hanggang ₱35 milyon kada bag.

Ikinuwento rin niya na ang mga pondo ay inihatid gamit ang mga sasakyang may red plate at dinala sa iba’t ibang lugar sa parehong araw.

Sinabi ni Madriaga na iba ito sa naunang ulat na 11 araw na ginamit ang naturang pondo, at iginiit niyang personal niyang naisagawa ang pamamahagi sa loob lamang ng isang araw.

-- ADVERTISEMENT --

Sa gitna ng kanyang salaysay, naging emosyonal si Madriaga kaya pansamantalang sinuspinde ang pagdinig ng komite.

Ang mga pahayag ay bahagi ng imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President Sara Duterte, kabilang ang ₱125 milyon na inilaan noong 2022 na may nauna nang notice of disallowance mula sa Commission on Audit.