Patay ang mag-asawa at isa nilang anak na walong taong gulang matapos ang banggaan ng truck at bus sa Barangay Bued, Calasiao, Pangasinan noong Huwebes ng gabi.

Nakaligtas naman sa insidente ang tatlong taong gulang na anak ng mag-asawa.

Batay sa CCTV footage, makikita ang truck na sinakyan ng mag-asawa at ang kanilang dalawang anak na nag-overtake sa sinusundang tricycle hanggang sa mapunta sila sa kabilang linya ng kalsada.

Eksakto naman na may paparating na bus na nagbunsod ng banggaan ng dalawang sasakyan.

Sa lakas ng banggaan, umatras pa ang truck at nayupi ang harapan nito.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtulong-tulong ang mga rescuer mula sa Calasiao, Dagupan, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), upang maialis sa pagkakaipit ang mag-anak sa truck.

Nasugatan naman sa insidente ang isa pang anak ng mag-asawa, ang driver ng bus at pito nitong pasahero.