Brutal na pinatay sa loob ng kanilang bahay ang mag-asawa at ang kanilang 15-anyo na anak sa Barangay Managok, Malaybalay City, Bukidnon.
Sinabi ni Bukidnon Police Provincial Office Spokesperson, Major Jayvee Babaan, nagtamo ng sugat sa kanilang mga ulo ang mga biktima, kung saan nakuha sa crime scene ang isang martilyo at tubo.
Ayon kay Babaan, nakapagtago naman ang dalawa pang anak ng mag-asawa na walo at 10 taong gulang bago pa man sila makita ng mga salarin.
Dahil dito, umaga na sila nakapagsumbong sa kanilang barangay na agad naman na ipinaalam sa mga pulis.
Ayon sa kanya, walang nakasaksi sa insidente dahil nangyari ito bago maghatinggabi noong Miyerkules, May 21, 2025, at ang bahay ay nasa mabundok na bahagi ng barangay.
Nadiskubre ang katawan ng mga biktima kinaumagahan.
Sinabi ni Babaan na maraming anggulo ang kanilang iniimbestigahan na posibleng motibo sa nasabing krimen, kabilang ang personal na galit.
Ayon sa kanya, ang negosyo ng mag-asawa ay landscaping, at iniimbestigahan nila ang mga insidente bago ang krimen, kung mayroon silang nakaalitan.
Isinantabi ng mga pulis ang pagnanakaw dahil sa walang tinangay sa bahay ng mga biktima, maging ang kanilang pera.
Ang dalawang nakaligtas na mga bata ay nasa kustodiya na ng gobyerno at sumasailalim sila sa counseling.
Sinabi ni Babaan na mayroon na silang natukoy na persons of interest na posibleng gumawa ng nasabing karumal-dumal na krimen.