Dead on arrival sa pagamutan ang mag-asawa nang bumangga ang sinakyan nilang kolong-kolong sa isang pampasaherong jeep sa bayan ng Amulung West.

Ayon kay PMSgt Rogelio Carag, imbestigador ng PNP-Amulung, dakong 1:30 ng hapon nang papunta sa bukid ang mag-asawang biktima at nang makarating sa pakurbadang bahagi ng lansangan ay napunta ang kanilang kolong-kolong sa kabilang linya ng lansangan na nagresulta sa pagsalpok nila sa kasalubong na pampasaherong jeep.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang mag-asawa sa sementadong lansangan na nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang ulo.

Sinabi ni Carag na mabilis ang patakbo ng lalaking biktima sa motorsiklo at hindi na nakontrol ang manebela pagdating sa pakurbadang lansangan na dahilan ng salpukan.