
Nasa maayos na kalagayan pa rin ang antas ng tubig sa Magat Dam at sapat upang matustusan ang pangangailangan sa patubig ng mahigit 95,000 ektaryang lupang sakop ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA MARIIS).
Ayon kay Engineer Roldan Bermudez, Division Manager ng Engineering and Operations Division ng NIA-MARIIS, nasa higit 182 meters above sea level ang kasalukuyang taas ng tubig, na patuloy na tumataas mula noong nakaraang linggo sa kabila ng limitadong pag-ulan.
Nagsimula na rin ang pagpapatubig para sa wet crop season ngayong Mayo at tiwalang mapapatubigan ang lahat ng sakahan ng nasa 62,000 farmer beneficiaries mula sa Isabela at Quirino.
Bagamat inaasahang normal ang pag-ulan sa watershed area mula Hunyo hanggang Agosto, posibleng maramdaman ang epekto ng El Niño pagdating ng dry crop season sa Setyembre.
Dahil dito, patuloy ang pagtutulungan ng ahensya at mga samahan ng mga magsasaka upang mapamahagi nang tama ang tubig at maiwasan ang pag-aagawan.
Hinikayat ni Bermudez ang lahat na sumunod sa itinakdang iskedyul at panahon ng pagtatanim upang masiguro ang matagumpay na ani at makaiwas sa mga posibleng pinsala mula sa panahon.










