Pinaghahandaan na ng Department of Agriculture Region 2 ang posibleng epekto ng El Niño sa agricultural production sa Cagayan Valley, partikular sa Cagayan, Isabela at Quirino.

Ayon kay DA Region 2 Regional Executive Director Rosemary Aquino, maaaring maapektuhan ng mas mainit at tuyong kondisyon ang produksyon ng palay at mais, kaya mahalagang maagang makapagtanim ang mga magsasaka upang hindi tumapat ang production cycle sa pinakamainit na panahon.

Inaasahang maaaring maramdaman ang epekto ng El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2027.

Bilang paghahanda, inilalagay na ng DA sa mga kinakailangang lugar ang mga binhi at iba pang farm inputs, habang binibigyang-prayoridad ang mga sakahang may access sa Magat Dam at irrigation pumps.

Para naman sa mga lugar na kulang sa tubig, pinag-aaralan ang alternatibong kabuhayan gaya ng poultry at livestock raising, gayundin ang pagtatanim ng mga pananim na mas angkop sa tuyong kondisyon tulad ng gulay, ube, kamote at mani.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat din ng DA ang mga lokal na pamahalaan, Municipal Agriculturists at iba pang agricultural workers na pabilisin ang pamamahagi ng mga binhi at farm inputs upang agad itong magamit ng mga magsasaka.