TUGUEGARAO CITY-Halos maihiwalay ang leeg ng isang magsasaka matapos tagain ng kanyang nakainuman sa Barangay Jurisdiction, Lal-lo, Cagayan.

Ayon kay P/major Raymund Asistores, hepe ng PNP-Lal-lo, napadaan ang biktima na si Rufu Abel Sr. 57-anyos, residente ng Brgy. Jurisdiction, Camalanuigan sa isang kubo kung saan nag-iinuman ang suspek na si Rolly Rosario 57-anyos, residente ng Brgy Fusina kasama ang kanyang mga kaibigan habang papunta sa kanyang sakahan.

Tinawag ang biktima na makisalo sa kanilang inuman na pinaunlakan naman nito.

Ngunit, nang malasing ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa kung saan sinubukang hugutin ng biktima ang kanyang itak.

Naagaw ng suspek ang itak na sanhi ng pananaga kung saan tinamaan sa leeg ang biktima na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo naman ng sugat sa kanang binti ang suspek dahil bago maagaw ang itak ay nagkaroon muna ng agawan.

Nabatid na nakaalis na ang mga kasama ng dalawa na nag-iinuman bago nangyari ang pananaga.

Agad namang nahuli ang suspek matapos ipagbigay alam ng mga Brgy. Officials sa lugar ang pangyayari sa PNP nang ipaabot ng isang concerned citizen na kanyang nakita ang suspek na duguan at may bitbit na itak sa lugar.

Sa ngayon, nagpapagamot na ang suspek at nahaharap sa homicide.

TINIG NI Raymund Asistores