
Halos umabot na sa 2,025 katao ang excess deaths sa France bunsod ng nararanasang heatwave sa Europa simula nitong huling linggo ng Hunyo ayon sa public health officials doon.
Napag-alaman na 30 porsiyento itong mas mataas kumpara sa nakaraang linggo. Ayon naman kay French Health Minister Stéphanie Rist, kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga nasawi, sa edad 45 pataas.
Nabatid na noong Hunyo 24, naitala ng France ang pinakamainit na araw sa kasaysayan ng bansa kung saan umabot sa halos 41 degrees Celsius ang temperatura sa Paris habang isinailalim sa red heat alert ang kalahati ng bansa.
Inaasahang muling aabot sa 40 degrees Celsius ang temperatura sa katimugang bahagi ng France, habang naglabas ang pamahalaan ng red alert status dahil sa banta ng forest fires.
Batay sa datos, 7,000 sunog na ang naitala mula nang magsimula ang tag-init, na tumupok sa humigit-kumulang 8,700 ektarya ng lupa sa bansa. Libu-libong residente rin ang inilikas matapos ang pagkalat ng wildfire.
Samantala, umabot sa 1,222 ang mga naitalang excess deaths sa Belgium, 39 porsiyentong mas mataaas. Halos kalahati ng mga nasawi ay edad 85 pataas.
Sa Netherlands naman, iniulat ng mga awtoridad ang tinatayang 480 excess deaths noong nakaraang linggo, karamihan ay mga senior citizen na nasa edad 80 pataas, matapos umabot sa halos 40 degrees Celsius ang temperatura sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa Copernicus Climate Change Service, ang Europa ang pinakamabilis uminit sa lahat ng kontinente at umiinit nang dalawang beses na mas mabilis kaysa sa pandaigdigang average.
Dahil dito, mas madalas na nararanasan ang matitinding heatwave, kakulangan sa suplay ng tubig, at wildfire.










