
Inaasahang susuporta sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ang hindi bababa sa 30 mambabatas mula sa National Unity Party o NUP.
Ito ang inihayag ni House Deputy Speaker at Antipolo 2nd District Representative Ronaldo Puno, na siya ring chairman ng NUP, kasunod ng desisyon ng partido na pairalin ang “conscience vote” sa usapin sa halip na magkaroon ng iisang posisyon.
Ayon kay Puno, mas nakararami umano sa kanilang partido ang pabor na ipadala sa Senado ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente para sa paglilitis.
Tinataya rin ni Puno na maaaring umabot sa 180 mambabatas ang boboto pabor sa impeachment, lampas sa kinakailangang one-third vote ng 318 miyembro ng Kamara.
Kabilang umano sa inaasahang susuporta ang mga miyembro ng Lakas-CMD, Partido Federal ng Pilipinas, Nationalist People’s Coalition o NPC, at ilang party-list lawmakers.
Samantala, kinuwestyon naman ni Vice President Sara Duterte ang tila pagiging sigurado ng ilang mambabatas na maipapasa ang impeachment complaint laban sa kanya.
Nasa House plenary na ngayon ang committee report kaugnay ng Articles of Impeachment matapos itong isumite sa Committee on Rules.
Inaasahang tatalakayin at pagbobotohan ito sa Kamara sa mga susunod na araw.
Kabilang sa mga reklamong nakasaad sa impeachment complaint laban kay Duterte ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, corruption, at iba pang high crimes kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, bribery, at umano’y planong pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.










