Iniulat ng Office of Civil Defense o OCD na 429 lugar sa apat na rehiyon ang nananatiling binaha dahil sa patuloy na pag-ulan na dulot ng Habagat.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Ilocos Region, National Capital Region, Central Luzon at Calabarzon.

Ayon sa OCD, umabot na rin sa 3,158 bahay ang napinsala, habang halos 100 road sections at 13 tulay ang nananatiling hindi madaanan at patuloy na isinasailalim sa clearing operations.

Kabilang sa pinakamalubhang problema ang mga tulay sa Tarlac, kung saan dalawang tulay na ang napinsala at naputol, dahilan upang gumamit ang mga motorista ng mga alternatibong ruta.

Samantala, nakapagtala rin ng mga pagguho ng lupa sa Zambales at bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX dahil sa tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.

-- ADVERTISEMENT --

Dalawang katao ang nasawi at dalawa ang nasugatan sa landslide sa Subic Bay Freeport Zone nitong Sabado.

Bagama’t bahagyang humupa ang pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong Linggo ng umaga, inaasahan pa rin ang pagpapatuloy ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa umiiral na Habagat.