
Itinuturing ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na senyales ng pagiging epektibo ng mga hakbang ng pamahalaan kontra baha ang mas mabilis na pag-alis ng tubig-baha sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, umabot lamang sa halos limang oras bago humupa ang baha sa G. Araneta Avenue sa Quezon City matapos ang malakas na ulan. Karaniwan aniya, umaabot ito ng 18 hanggang 24 oras.
Bukod sa bilis ng paghupa ng baha, kabilang din sa sinusukat ng MMDA ang lawak at lalim ng tubig sa mga lugar na madalas bahain, kabilang ang Marikina at Camanava o Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.
Gayunman, sinabi ni Torre na bagama’t may nakikitang pagbuti, marami pa ring kailangang gawin upang higit na mapabuti ang flood mitigation efforts ng pamahalaan.









