
Umabot na sa P1.79 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, ayon sa Department of Agriculture o DA.
Ayon sa DA, nasa 51,229 magsasaka ang naapektuhan at mahigit 41,647 ektarya ng agricultural land ang nasira. Tinatayang 44,745 metric tons naman ng produksiyon ang nawala sa walong rehiyon, kabilang ang Cagayan Valley, Ilocos Region, Central Luzon at Western Visayas.
Kabilang sa mga naapektuhan ang palay, mais, cassava, high-value crops, fisheries, livestock at poultry, pati mga pasilidad, makinarya at kagamitan sa agrikultura.
Naglaan naman ang DA ng P210.93 milyon halaga ng agricultural inputs, habang P35.67 milyon ang inilaan para sa indemnification ng 5,005 insured farmers at fisherfolk. Patuloy din ang assessment sa mga lugar na sinalanta upang matukoy ang karagdagang pinsala.










