Inside job ang isa sa anggulong tinitignan ng mga otoridad sa nangyaring panloloob sa isang computer store dito sa lungsod ng Tuguegarao kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni PCAPT Anna Marie Anog, information Officer ng PNP Tuguegarao na ito ay dahil sa alam na alam ng hindi nakilalang lalaking kawatan ang establishimento kaya mabilis na natangay ang mahigit P76, 000 na cash, 15 na iphones at 48 na android phones.

Ayon kay Anog, bagamat may CCTV sa loob ng Octagon computer store sa Barangay Centro 6 ay hindi ito malinaw at natakpan din ang mukha ng kawatan sa suot nitong sombrero, nakasuot din siya ng black jacket na may nakasulat na ‘Security’ at may gloves ang mga kamay.

Batay naman sa mga footage sa mga CCTV sa labas ng tindahan ay nakita na gumamit ng bolt cutter ang kawatan sa pagsira ng lock ng roll-up door.

Nakita rin sa ibang CCTV footage na naglalakad ang lalaki kasama ang dalawang iba pa sa Barangay Balzain papunta sa kanilang get-way vehicle na kulay pula.

-- ADVERTISEMENT --

Sa follow-up investigation, napag-alaman ng mga imbestigador na ang sasakyan ng mga kawatan ay ang nakita ring sasakyan sa panloloob sa isang jewelry shop sa bayan ng Aparri, Cagayan.