
Hinamon ni House Deputy Minority Leader Antonio Tinio ang Office of the Ombudsman na isapubliko ang naging kasunduan kay dating DPWH Secretary Manny Bonoan para gawin siyang state witness.
Ayon kay Tinio, dapat ibunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang terms of agreement sa pagitan nila ni Bonoan kaugnay sa pagtestigo sa flood control corruption.
Tanong nito, hindi pa ba sapat ang testimonya ng mga state witness gaya ni dating Undersecretary Roberto Bernardo?
Inusisa rin ng kongresista kung may mga testimonya si Bonoan na magdidiin sa mga dating kasamahan niya sa gabinete na sangkot sa flood control scam kasama na si Pangulong Bongbong Marcos.
Binigyang-diin pa ni Tinio na hindi dapat makaligtas sa pananagutan ang dating kalihim lalo’t ito ang may “final say” o huling pasya sa preparasyon at paggastos ng pondo ng ahensya.
Gayundin ang isyu sa budgetary insertions at malalaking kickbacks mula sa ghost at overpriced flood control projects.
Una nang iniulat na inaasahang magbibigay ng testimonya si Bonoan hinggil sa pagkakasangkot ni dating Speaker Martin Romualdez sa naturang katiwalian.










