
Umabot sa ₱1.457 bilyon ang appraised net worth ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. batay sa appraisal report na kalakip ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) para sa taong 2025.
Sa kopyang nakuha mula sa Office of the Ombudsman, ang aktuwal na declared net worth ng Pangulo at First Lady Liza Araneta-Marcos ay umabot sa ₱475.93 milyon, na pawang mula sa kanilang mga ari-arian.
Wala ring iniulat na anumang liabilities ang First Couple sa kanilang SALN.
Gayunman, ayon sa appraisal report ng Cuervo Appraisers, Inc., tinatayang nasa ₱1.457 bilyon ang kabuuang halaga ng kanilang yaman batay sa market valuation ng kanilang mga ari-arian.
Kabilang sa kanilang mga ari-arian ang real properties na may kabuuang halaga na mahigit ₱1.02 bilyon at personal properties na aabot sa ₱427.4 milyon.
Kasama rin dito ang mga investment, cash holdings, paintings, jewelry, at iba pang koleksiyon ng ari-arian.
Sa 2024 SALN, nasa mahigit ₱389 milyon ang declared net worth ng Pangulo, habang mas mataas naman ang naging appraised value na umaabot sa ₱1.375 bilyon noon.










