
Ibabalik ng Maritime Industry Authority o MARINA ang processing ng Seafarer’s Identity Document o SID at Seafarer’s Record Book o SRB simula bukas, Setyembre 1, matapos pansamantalang suspindihin ang serbisyo dahil sa cyberattack sa kanilang system.
Ayon kay MARINA Administrator Sonia Malaluan, naganap ang security breach noong Agosto 13 kaya kinailangang i-shut down ang system upang maiwasan ang karagdagang kompromiso sa seguridad.
Samantala, nag-isyu muna ang MARINA ng certification sa mga seafarer na kinakailangang bumiyahe ngunit expired ang SID upang hindi maantala ang kanilang pag-alis.
Sinabi ni Malaluan na matagumpay ang isinagawang testing sa system nitong weekend at nakakapag-print na muli ng SID at SRB. Gayunman, pansamantala itong gagawin sa ilalim ng mahigpit na kontrol sa central office ng MARINA sa Maynila.
Uunahin ng ahensya ang mga seafarer na nakatakdang umalis habang nagpapatuloy ang maingat na restoration ng buong system upang matiyak na hindi na muling mako-kompromiso ang seguridad nito.










