
Hinimok ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang outpatient coverage nito para sa dialysis at iba pang gamutan sa sakit sa bato upang matulungan ang dumaraming bilang ng mga pasyente sa bansa.
Ginawa ni Yamsuan ang panawagan kasabay ng pagdiriwang ng National Kidney Month matapos lumabas sa datos ng Philippine Renal Disease Registry na 57.44 porsyento ng mga may Chronic Kidney Disease (CKD) ay nasa edad 20 hanggang 59 taong gulang.
Upang tugunan ang problema, inihain ng kongresista ang House Bill 6310 na naglalayong sagutin ng PhilHealth ang lahat ng gastusin para sa dialysis, gamot, professional fees, at pagpapaospital sa ilalim ng “No Balance Billing” policy.
Kasama rin sa panukala ang pagsagot sa gastusin para sa kidney transplant at pag-aatas sa mga ospital na maglaan ng pasilidad para sa Peritoneal Dialysis (PD), isang mas murang uri ng dialysis na maaaring gawin sa bahay.
Nakapaloob din sa panukala ang pagpapalakas ng maagang pagsusuri at preventive healthcare upang mabawasan ang lumalalang kaso ng sakit sa bato, na kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.










