Ramdam ngayong Semana Santa ang epekto ng mataas na presyo ng langis matapos mabawasan ang bilang ng biyahe at pasahero sa iba’t ibang terminal, sa gitna ng taunang pag-uwi ng mga Pilipino sa kanilang mga probinsya.

Ayon sa ilang bus driver, kapansin-pansin ang pagliit ng bilang ng mga pasahero kumpara noong nakaraang taon, dahilan upang pagsamahin na lamang sa iisang biyahe ang mga bumiyahe dahil sa kakaunting sakay.

Sa datos ng lokal na pamahalaan ng Baguio City, nasa 30% hanggang 50% ang ibinaba ng bus trips papasok sa lungsod, bunsod ng patuloy na pagtaas ng fuel prices.

Dahil dito, mas pinipili ng ilang biyahero ang gumamit ng pribadong sasakyan at maghati-hati sa gastos sa gasolina, habang ang iba naman ay napipilitang maglaan ng mas malaking budget para sa pamasahe na umaabot sa halos P700 kada pasahero.

Sa kabila ng mga hamon, nagpapatuloy pa rin ang Holy Week exodus, bagama’t mas maingat at planado ang paggastos ng mga Pilipino sa kanilang paglalakbay.

-- ADVERTISEMENT --