Inihayag Batangas Rep. Gerville Luistro, may sapat at higit pa sa “probable cause” ang mga ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte para isulong ang impeachment case laban sa kanya.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, lumabas umano ang mga dokumento na nagpapakita ng malalaking bank transactions nina Duterte at ng kanyang asawa na si Manases Carpio, na hindi umano tugma sa kanilang idineklarang yaman.

Napansin din ang hindi pagdedeklara ng cash at bank deposits sa loob ng anim na taon sa kanilang SALN.

Dagdag pa rito, binanggit ang mga notice of disallowance mula sa Commission on Audit kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱448 million confidential funds ng Office of the Vice President.

Ayon kay Luistro, maaaring mas mataas pa sa “probable cause” ang bigat ng ebidensya, at sinabing pinapatunayan nito ang mga paratang sa impeachment complaints, kabilang ang umano’y betrayal of public trust at hindi tamang SALN disclosure.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakda ang huling pagdinig ng House Justice Committee sa Abril 29, kung saan tatalakayin ang umano’y pagbabanta ni Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Pagkatapos nito, boboto ang komite kung may sapat na basehan para iakyat ang impeachment case sa plenaryo ng Kamara.