Nakuha na ang mga labi ng dalawang piloto ng bumagsak ng FA-50 fighter jet mula sa crash site sa Mt. Kalatungan sa Bukidnon, ayon sa 4th Infantry Division, Philippine Army.

Sinabi ni Lieutenant Colonel Francisco Garello, 4ID spokesperson, nakuha ang mga labi kaninang 1 a.m., ibinababa sa Pangantucan, Bukidnon, at dinala sa Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental.

Ayon kay Garello, naglakad ang lamang ang mga kumuha sa mga labi nina Maj. Jude Salang-oy, tubong Taloctoc, Kalinga at 1Lt. April John Dadulla ng Bukidnon mula sa crash site dahil hindi maaaring gumamit ng sasakyan ang responders sa kabundukan.

Sinabi niya na naglakad ang mga ito ng halos anim na oras sa pick-up point sa Pangantucan.

Tumangging magbigay si Garello ng estado ng mga labi ng dalawang piloto at ipinauubaya na lamang nila ito sa Philippine Air Force (PAF).

-- ADVERTISEMENT --

Nawala ang FA-50 fighter jet na may tail number 002 noong madaling araw ng Martes sa kasagsagan ng tactical night operation bilang suporta sa ground troops na nakikipagsagupa sa mga miyembro ng New People’s Army.