Mahigpit na binabantayan ngayon ng mga social worker at pulisya ang dalawang menor de edad na sangkot sa madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kasalukuyang nasa kustodiya ng Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) ang dalawang Children in Conflict with the Law (CICL), kung saan nakatalaga ang mga social worker, house parents, at isang center nurse upang tutukan ang kanilang kalagayan.

Sinabi ni Dumlao na magkahiwalay na silid ang inilaan sa dalawang menor de edad at hindi sila pinahihintulutang magkita o makisalamuha sa iba pang residente ng pasilidad.

Nag-deploy din ang Philippine National Police ng mga tauhan sa labas ng kanilang mga silid upang matiyak ang seguridad sa loob ng rehabilitation center habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.