
Ibinahagi ng isang vendor sa bagong Don Domingo Public Market sa Tuguegarao City ang hinaing tungkol sa hindi patas na kalagayan sa pagnenegosyo dulot ng hindi pantay na pagsunod ng mga tindero sa bagong patakaran ng pamunuan ng pamilihan.
Ayon kay Ginoong Jefferson Mallillin Soriano, market vendor na mas mabilis ang bentahan ng mga nasa labas dahil mas madali silang marating ng mga mamimili, habang hirap naman kumita ng sapat ang mga sumunod at lumipat sa loob.
Aniya, bahagi ng regulasyon ng lokal na pamahalaan ang paglipat ng mga nagtitinda mula sa labas papunta sa loob ng bagong pamilihan na hanggang nitong May 27 ngayong taon lamang subalit marami pa rin ang nananatili sa labas at hindi sumusunod sa mandato.
May mga paalala na rin umano upang lumipat ang lahat sa loob, ngunit tila kulang pa rin ang isinagawang aksyon kahit ipinarating na ito sa mga tagapamahala ng pamilihan.
Dahil dito, planong lumapit ng mga apektadong vendor kay Mayor Maila Ting-Que upang humingi ng nararapat na solusyon at tiyaking pantay-pantay ang pagtrato at pagsunod ng lahat sa mga alituntunin.
Nanawagan din sila sa lahat ng kapwa nagtitinda—nasa loob man o labas na sumunod sa mga patakaran at magkaisa para sa maayos, patas, at maunlad na operasyon ng Don Domingo Public Market para sa kapakinabangan ng lahat.










