
Nais ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que na paigtingin pa ang paghahanda upang maiwasan ang mas malaking pinsala kasunod ng nangyaring sunog sa isang auto supply sa Brgy. Balzain.
Binanggit ng alkalde ang kakulangan ng fire hydrants sa lugar, pati na rin ang pangangailangan ng mas maliliit na fire trucks at protective gear para sa mga bumbero para sa mas mabilis at mas ligtas na pagtugon.
Bukod dito, iminungkahi rin ni Que ang pagbili ng karagdagang oxygen mask at specialized foam na ginagamit para maapula ang apoy.
Pinayuhan din ang publiko na maging alerto, tumawag agad sa mga otoridad upang mag-ulat ng sunog, at iwasan ang pag-record ng video sa halip na tumulong.
Pinaalalahanan ang lahat na sundin ang mga alituntunin ng otoridad, lalo na ngayong tag-init na mainit at posibleng pagmulan ng sunog.
Nanawagan din ang mga opisyal na iwasan ang pagtatapon ng sigarilyo at pagsunog sa mga open area upang mapigilan ang anumang kasunod na insidente.
Nagpasalamat naman ang alkalde sa mga tumulong at muling pinaalahanan ang mga residente na isaalang-alang ang kaligtasan ng bawat isa.










