
Nanawagan sa lokal na pamahalaan ang mga stall owners sa bagong Don Domingo Public Market na tiyaking mailipat sa loob ng bagong palengke ang lahat ng mga vendor na nananatiling nakapuwesto sa labas upang matiyak umano ang patas na kalakalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ronald Dimaano, isang fish vendor, na marami pa rin sa kanilang mga kasamahan mula sa dating lokasyon ang hindi pa naililipat sa loob ng palengke na nagiging hamon sa kanilang negosyo.
Ayon kay Dimaano, mas napapaboran umano ang mga vendor na nasa labas dahil libre o mababa lamang ang kanilang bayarin kumpara sa mga nasa loob na nagbabayad ng renta at iba pang gastusin.
Iginiit naman ni Leticia Mallillin, isang chicken vendor, na mahalagang maipatupad nang maayos ang relocation upang maiwasan ang hindi patas na kompetisyon sa pagitan ng mga vendor sa loob at labas ng palengke.
Sa kabila nito, pinuri naman ng mga mamimili at vendors ang bagong Don Domingo Public Market dahil sa kalinisan, kaayusan, at maluwag na libreng paradahan nito.
Aminado rin ang ilang vendor na malaking hamon para sa kanila ang pagbabayad ng renta, tubig, at kuryente na dati umanong libre sa kanilang lumang pwesto.
Gayunman, nananatili silang positibo na mas lalago ang kanilang kita dahil sa mas maayos na pasilidad ng bagong palengke.










