
Nanatiling positibo ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) kaugnay ng mga pinakahuling developments sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon kay ICC assistant to counsel Kristina Conti.
Sinabi ni Conti na nagbibigay ng pag-asa sa mga biktima ang patuloy na paghahanda ng korte para sa paglilitis na target magsimula bago matapos ang Nobyembre.
Aniya, patuloy ding mino-monitor ng ICC ang progreso ng kaso sa pamamagitan ng mga status conference.
Inihayag din ni Conti na isa sa kanilang pangunahing hamon ngayon ang pagpaparehistro ng mas marami pang mga biktima upang makalahok sa proseso ng paglilitis.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City at naging pangulo ng bansa.










