Hindi na kailangang sumailalim pa sa drug test, psychological at psychiatric examinations ng mga pulis at sundalo na kukuha ng License to Own and Possess Firearms o LTOPF.

Ito ay sa bisa ng inilabas na memorandum ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil para sa mga aktibong miyembro ng PNP at Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ni Marbil sa memorandum, ang pagbabago na ito sa aplikasyon ng lisensiya sa mga baril ay dahil sa sanay naman na umano ang mga pulis at mga sundalo sa paghawak ng baril.

Idinagdag pa niya na sapat na ang drug test at psychological examinations ng mga myembro ng PNP at AFP sa kanilang serbisyo bilang requirements para sa LTOPF.

Tanging government issued identification cards na lamang ang kailangang ipresenta ng mga pulis at sundalo para sa pagproseso ng kanilang firearm license.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, kailangan pa rin na sumailalim sa drug testing at neuro-psychiatric evaluation ang mga sibilyan na may mga baril para makakuha at makapag-renew ng lisensya.

Hindi rin sakop ng memorandum ang iba pang law enforcement agencies tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Coast Guard (PCG).