Pinasinayaan ng Cagayan valley medical center o cvmc ang bagong tayong Multi‑Specialty Center kasama ang mga bagong renovated Radiology Department at Operating Room Complex (Phase 2)

Dinaluhan nina DOH Undersecretary Glenn Mathew Baggao at Usec. Achilles Gerard Bravo kasama sina doh Regional Director Amelita Pangilinan, Atty. Ma. Noemi Bustamante bilang kinatawan ni Assistant Commissioner Nerissa Canguilan ng Civil Service Commission, Assistant Secretary Domingo Carbonell ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) at Cagayan 3rd district Congressman Joseph Lara ang pagpapasinaya sa mga state‑of‑the‑art healthcare faciliries.

Nakapaloob sa bagong binuksan na Multi‑Specialty Center ang iba’t ibang specialized clinics kabilang ang Orthopedics, Otorhinolaryngology at Therapy Rooms na tutugon sa mas malawak na pangangailangan sa kalusugan at rehabilitasyon.

Na-upgrade naman ang radiology department ng mga modernong kagamitan at mga disenyong angkop sa pasyente upang ma-improve ang diagnostic accuracy, surgical efficiency at neonatal care.

Pinahusay ang CT-Scan Room at Ultrasound Rooms maging ang Operating Room Complex kung saan tampok dito ang dalawang modernong operating theater habang inayos din ang Labor and Delivery Room kasama ang Neonatal Intensive Care Unit (NICU).

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang diin ni Dr. Cherry Lou Antonio, medical center chief ng CVMC ang kahalagahan ng pag-upgrade sa kanilang mga pasilidad para sa pagbibigay ng de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan sa mga mamamayan sa lambak Cagayan at karatig rehiyon.

Pinuri naman ni USEC Baggao ang pagsisigasig ng mga kawani at ang mga tumulong sa pagpapahusay sa health facilities ng pagamutan para sa kagalingan ng mga pasyente.

Kinilala naman ni Usec Bravo ang sama-samang pagsisikap ng administrasyon at kawani ng ospital upang hindi lamang maibigay ang maayos na pangangalaga sa kalusugan ng mga pasyente bagkus mapahusay ang mga healthcare professionals sa paggampan ng kanilang tungkulin.

Samantala, binuksan din ng CVMC ang Trade Fair at Health and Wellness Event nito kahapon na tatagal hanggang sa Hunyo 23 kung saan tampok ang mga aktibidad na nagsusulong ng kalusugan, kagalingan, at pakikipag-ugnayan sa komunidad.

Sinabi ni Dr. Antonio na ang nasabing inisyatiba ay pagtupad sa panagko ng institusyon sa pangangalaga sa kalusugan at suporta sa kabuhayan ng komunidad.

Ang trade fair ay nagpapakita ng mga produkto at serbisyo mula sa mga lokal na negosyante at partner agencies kabilang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Social Welfare and Development’s Sustainable Livelihood Program (DSWD-SLP), at ang Cagayan Valley Center for Health Development (CVCHD) Senior Day Care Health and Wellness Center.

Kasama rin dito ang free flu vaccinations sa mga empleyado ng CVMC, isang Mental Health and Wellness Booth at Traditional, Complementary, and Integrative Medicine (TCIM) tulad ng acupuncture, acupressure, ear detox, at ventosa na bukas sa publiko.

Tampok din sa aktibidad ang Milk-Letting Drive upang suportahan ang nutrisyon ng sanggol sa pamamagitan ng donasyon ng gatas ng ina at Blood-Letting Drive upang tumulong na mapanatili ang suplay ng dugo sa rehiyon.

Ang mga nabanggit na aktibidad ay kabilang sa mga highlight activities sa selebrasyon ng ika-80th founding anniversary ng CVMC sa June 25.