Arestado ang isang lalaki matapos bugbugin ang kanyang asawa dahil sa pagtanggi nitong magbigay ng pera na umano’y gagamitin sa pagbili ng shabu noong Biyernes, Oktubre 10, sa Poblacion Pardo, Cebu City.
Kinilala ang suspek na si Arnold Navares, 48 taong gulang, na umano’y gumamit ng metal pipe upang saktan ang kanyang asawang si Mercedita, 50 taong gulang, matapos sabihin nitong wala siyang maibibigay na pera.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, sa sobrang galit, sinira pa ni Navares ang ilang bahagi ng kanilang bahay bago bugbugin ang biktima hanggang mawalan ito ng malay.
Dahil sa tulong ng mga kapitbahay, nakapagsumbong ang biktima sa mga awtoridad, na agad namang rumesponde at inaresto ang suspek.
Sa himpilan ng pulisya sa Inayawan, humingi ng paumanhin si Navares at nangakong hindi na mauulit ang kanyang ginawa.
Nahaharap si Navares sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9262, o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.