
Sugatan sa ulo ang isang miyembro ng Philippine Navy matapos umano itong paluin ng baton ng isang tauhan ng China Coast Guard (CCG) sa gitna ng komprontasyon sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea nitong Lunes.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), lumapit ang isang rigid-hull inflatable boat (RHIB) ng China Coast Guard na may sakay na walong tauhan sa BRP Sierra Madre, ang military outpost ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, at kumuha ng mga larawan at video.
Dahil dito, nilapitan ng mga tauhan ng AFP sakay ng rubber boats ang naturang sasakyang-pandagat upang paalisin ito sa lugar.
Gayunman, sinabi ng AFP na naging agresibo ang mga tauhan ng China Coast Guard.
Sa insidente, sinabi ng AFP na isang miyembro ng Philippine Navy ang umano’y pinalo ng baton ng isang tauhan ng CCG, na nagresulta sa pagkakasugat nito sa ulo.
Nagtamo rin ng pinsala ang isa sa mga rubber boat ng Philippine Navy.
Agad namang nabigyan ng paunang lunas ng Western Command (WESCOM) ang nasugatang sundalo.
Iginiit ng AFP na kumilos ang kanilang mga tauhan alinsunod sa umiiral na Rules of Engagement sa pagharap sa insidente.
Kasabay nito, muling nanawagan ang AFP sa People’s Liberation Army (PLA), China Coast Guard, at Chinese maritime militia na itigil ang umano’y iligal at agresibong mga kilos sa West Philippine Sea at igalang ang 2016 Arbitral Award na kumikilala sa maritime rights ng Pilipinas sa ilalim ng international law.










