
Nasa walo na lamang ang itinuturing na missing sa insidente ng MV June Aster matapos makumpirma ng Philippine Coast Guard o PCG na apat sa 12 pasaherong una nang iniulat na nawawala ay hindi pala nakasakay sa barko.
Ayon sa PCG, tatlo sa apat ang nagkamaling mag-book ng biyahe mula Manila patungong Coron, sa halip na Coron patungong Manila.
Samantala, ang ikaapat na pasahero ay nakapag-book ng ibang tiket at nakabiyahe na patungong Coron sakay ng ibang passenger vessel noong Setyembre 5.
Personal na na-verify ng PCG na buhay ang apat na pasaherong hindi nakasakay, dahilan para baguhin ang bilang ng missing na nakabatay sa ship manifest.
Samantala, umakyat na sa 77 ang death toll matapos pumanaw sa ospital ang isa sa mga unang nailigtas.
Sa pinakahuling tala ng PCG, nasa 128 ang kabuuang sakay ng MV June Aster—77 patay, 43 survivors at walo pa ring missing.






