
Nahaharap sa mga kasong estafa, bribery, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isang ahente ng National Bureau of Investigation at dalawa nitong kasamahan ang matapos ireklamo ng pangulo ng isang kumpanya ng natural health products.
Sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman, inakusahan ni Dr. Edinell Calvario, presidente ng EC Healing Well Corp., sina NBI agent Melanio Lino Gatchalian at mga kasamahan nitong sina Carrey Santos at isang nagngangalang Chris ng umano’y pangingikil kapalit ng pagproseso ng kanyang reklamo.
Ayon kay Calvario, humingi siya ng tulong sa NBI upang imbestigahan ang mga indibidwal na gumagamit umano nang walang pahintulot sa mga video ng kanyang TV program na “Healing Galing” para mag-endorso ng umano’y pekeng produkto.
Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Calvario na pinaghanda umano siya ng P500,000 para sa pagproseso ng kaso at nakapagbigay umano siya ng P250,000 sa mga respondent.
Gayunman, sinabi ng complainant na walang naging aksyon sa kanyang reklamo kaya humiling siyang maibalik ang perang naibigay.
Sa halip umano na isauli ang pera, pinayuhan pa siyang bawiin ang kanyang kaso sa NBI at direktang magsampa na lamang sa prosecutor’s office.
Wala pang pahayag ang mga inirereklamong respondent kaugnay sa mga alegasyon.






