Iginiit ng National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent na si John Mark Calilung sa ikatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na maituturing na seryosong banta ang naging pahayag ng bise presidente noong Nobyembre 2024 hinggil sa umano’y pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Joel Villanueva, sinabi ni Calilung na kabilang sa mga batayan ng awtoridad sa pagtukoy kung seryoso ang isang banta ay ang kakayahan ng taong nagbanta na maisakatuparan ito, gayundin ang paraan ng paghahatid ng pahayag.

Aniya, ang paulit-ulit na pagsasabing “no joke” ni Duterte ay nagpapakita na hindi biro ang naturang pahayag.

Si Calilung ang senior agent ng NBI Cyber Investigation and Assessment Center (CIAC) na nanguna sa imbestigasyon sa naturang kaso. Siya rin ang nangasiwa sa pangangalap, pagpreserba, at pagpapatunay ng digital evidence, kabilang ang forensic examination ng video ng press briefing ni Duterte.

Samantala, sa cross-examination, iginiit ng defense counsel na si Atty. Carlo Joaquin Narvasa na dapat tingnan ang pahayag ni Duterte sa konteksto ng nangyayaring pag-aresto at pagpigil noon sa Office of the Vice President Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez sa House of Representatives.

-- ADVERTISEMENT --