
Patuloy na nananawagan ng hustisya si Rovelyn Baterbonia, isang buwan matapos ang pagkamatay ng kanyang anak na si Rene Baterbonia sa isang team-building activity ng Ateneo de Manila University sa Aurora noong Hunyo 8.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Rovelyn na hanggang ngayon ay wala pa ring naibibigay na hustisya para sa kanyang anak. Hinimok din niya ang mga may nalalaman sa insidente na magsabi ng totoo tungkol sa tunay na nangyari at ikinamatay ni Rene.
Nasawi si Rene kasama ang kanyang teammate na si Divine Adili matapos silang malunod sa naturang team-building activity.
Kaugnay nito, nagsagawa ng magkakahiwalay na imbestigasyon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ang Ateneo de Manila University.
Samantala, inirekomenda na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Department of Justice ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Act laban sa 11 katao, kabilang ang dating Blue Eagles head coach na si Tab Baldwin.
Inirekomenda rin ang pagsasampa ng kasong homicide at reckless imprudence resulting in homicide laban kay Baldwin at walo pang iba.
Iginiit naman ng Ateneo ang patuloy nitong suporta sa pamilya nina Baterbonia at Adili at ang pangakong alamin ang buong katotohanan sa insidente.








