
Pinarangalan ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ang ahenteng nasangkot sa insidente ng pamamaril na kinasangkutan ni dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca noong Mayo 13.
Iginawad ni NBI Director Melvin Matibag ang NBI Shield of Bravery kay Agent Francisco bilang pagkilala sa ipinakita nitong katapangan sa pagprotekta sa mga kasamahan sa gitna ng insidente sa GSIS compound.
Ayon kay Matibag, bago pa ang pangyayari noong Mayo 13 ay marami nang naipakitang kabayanihan at katapangan si Agent Francisco sa kanyang serbisyo.
Sinabi rin ng NBI chief na nanatiling kalmado ang ahente sa gitna ng matinding tensyon at iginiit na hindi totoo ang pahayag na inatake ang Senado noong araw ng insidente.
“Alam natin na hindi totoo ang kuwento na sila ay under attack sa Senado dahil ang unang nagpaputok ay ang OSAA head na si Gen. Mao Aplasca,” ani Matibag.
Idinagdag pa niya na ang insidente ang naging daan upang makatakas si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, na noon ay nasa protective custody ng Senado habang sinusubukang arestuhin ng National Bureau of Investigation batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
Naganap ang insidente noong Mayo 13, isang araw matapos tangkain ng mga operatiba ng NBI na ipatupad ang ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa.
Sa kasagsagan ng lockdown sa gusali ng Senado, nagpaputok si Aplasca ng ilang warning shots sa mga salaming bintana ng gusali, na nagdulot ng matinding panic sa mga taong naroon.
Hindi na muling nagpakita sa publiko si Dela Rosa matapos ang insidente.
Samantala, iniutos na ng Office of the Ombudsman ang pagpapatalsik sa serbisyo ni Aplasca dahil sa grave misconduct at gross neglect of duty.










