
May malakas na indikasyong hindi pa nakalabas ng Pilipinas si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.Philippine Travel Guides
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, mayroon silang sinusundang impormasyon o lead kaugnay sa posibleng kinaroroonan ng senador.
Paliwanag ng NBI Director, mahihirapang makalabas ng Pilipinas si dela Rosa dahil nasa 132 bansa ang miyembro ng International Criminal Court (ICC).
Kasalukuyang may kinakaharap na arrest warrant si dela Rosa mula sa ICC matapos pangalanan bilang isa sa co-perpetrators umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity bunsod ng umano’y libu-libong pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Samantala, muling binigyang-diin ni Matibag na wala pa silang natatanggap na karagdagang arrest warrant mula sa ICC. Tugon ito ng NBI Director nang tanungin kaugnay sa inisyu umanong warrant laban kay Sen. Bong Go.
Iginiit ni Matibag na tanging ang arrest warrant pa lamang kay Sen. Bato ang kanilang hawak.










