Nagreklamo ang isang netizen sa umano’y pagkaantala ng pagproseso ng police clearance sa Quezon City Hall dahil sa isang birthday celebration sa loob ng tanggapan.

Sa kaniyang post sa Threads, sinabi niyang hindi umano umusad ang pila habang sabay-sabay na kumakain ang ilang kawani. Walo umanong istasyon ang walang nag-aasikaso sa mga aplikante sa pagitan ng alas-11:40 ng umaga at alas-12:30 ng tanghali.

Kinuwestiyon ng netizen kung bakit hindi nagsalitan sa pagkain ang mga empleyado upang magpatuloy ang serbisyo sa publiko.

Ibinahagi rin niyang ipinadala na niya ang reklamo sa Facebook page ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, ngunit wala pa umano siyang natatanggap na tugon nang mag-post siya.

Bagama’t may karapatan ang mga kawani sa pahinga, binigyang-diin ng reklamo ang kahalagahan ng maayos na iskedyul at koordinasyon upang hindi tuluyang maantala ang serbisyo sa publiko.

-- ADVERTISEMENT --