
Bukas at maari na muling mabisita ng publiko simula nitong alas dos ng hapon ang website ng Senado na isinailalim nitong Huwebes sa ‘maintenance’ dahil sa napaulat na pagka-hack dito.
Maalala, sa isang post sa social media, inako ng nagngangalang ‘Nullsec Philippines’ ang naging defacement sa website ng Senado.
Nag-iwan din ang mga ito ng mensahe sa institusyon na karapatan ng bawat tao ang katotohanan at pananagutan.
Nagpapaala rin ang mga ito sa mga umaabuso ng tiwala ng publiko na nanatiling nakatutok ang publiko sa kanilang hakbang.
Matapos nito, agad namang tiniyak ng Senate EDP-MIS na walang anumang confidential at sensitibong impormasyon ang nakompromiso dahil dito.
Samantala, iginiit naman din ni SP Pro Tempore Win Gatchalian na hindi dapat itong ituring bilang isolated incident.
Anya, ang pag-atake sa kanilang sistema gaya ng banta na kinakaharap nila ngayon sa seguridad sa Senado ay krimen at dapat mapanagot sa batas ang nasa likod nito.
Matatandaan, kabilang sa mga nakita noon sa interface ng Senate website ay ang video na may title na ‘Demonyong Hinudas’.










