
Nasawi ang isang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Ilocos–Cordillera Regional Committee matapos makasagupa ang 103rd Infantry Battalion sa dalawang magkasunod na engkwentro sa Barangay Allaguia, Pinukpuk, Kalinga nitong araw, Nobyembre 23.
Mabilis umatras ang mga rebelde at iniwan ang isang mataas na kalibreng baril, bandolier, at bangkay ng kasama nila.
Isang sundalo ang nasugatan ngunit agad na naihatid sa pagamutan gamit ang dalawang Blackhawk helicopter at kasalukuyang nagpapagaling.
Nauna nang nagkaroon ng engkwentro sa parehong lugar noong Nobyembre 21 laban sa humigit-kumulang 15 rebelde, na patunay umano ng paghina ng puwersa ng ICRC.
Pinuri ng 5th Infantry Division ang 103rd IB sa kanilang mabilis na aksyon at tiniyak na patuloy nilang poprotektahan ang kapayapaan at seguridad sa Kalinga.










