
Sinabi ng Malacañang na nasa Office of the Ombudsman ang desisyon kung ilalagay sa preventive suspension si Health Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. kaugnay ng reklamo sa umano’y hindi makatuwirang pagsuspinde sa procurement ng mga gamot at iba pang suplay para sa tuberculosis program.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sakop na ng hurisdiksyon ng Ombudsman ang pagpapasya kung kailangan ang preventive suspension upang masiguro ang maayos na imbestigasyon sa reklamo.
Wala rin umanong impormasyon ang Palasyo kung nag-usap na sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Pujalte hinggil sa isyu.
Nauna nang sinabi ni Pujalte na handa siyang magsumite ng mga dokumentong may kaugnayan sa imbestigasyon at itinanggi ang mga alegasyon laban sa kanya. Iginiit niyang ang pagsusuri sa procurement ay para matiyak na maayos, transparent, at naaayon sa batas ang proseso.
Hiniling naman ng ilang health advocates at health workers kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tanggalin sa puwesto si Pujalte dahil umano sa pagsuspinde ng procurement para sa tuberculosis program.










