
Tiniyak ng Office of the Ombudsman na magpapatuloy ang imbestigasyon laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood control project, sa kabila ng sunod-sunod na pagbawi ng testimonya ng ilang dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Pinakahuli sa bumawi ng kaniyang pahayag si dating sundalo Orly Guteza, na una umanong nagsabing naghatid siya ng milyun-milyong pisong kickback kay Romualdez. Siya na ang ikaapat sa siyam na dating bodyguard ni Co na nag-recant sa kanilang mga naunang testimonya nitong nakalipas na dalawang linggo.
Ayon sa Ombudsman, hindi nakasalalay sa iisang testigo ang kanilang imbestigasyon at may 28 iba pang testigong nananatiling aktibo sa serbisyo na umano’y may direktang kaalaman sa mga transaksiyong may kaugnayan kay Romualdez.
Sa supplemental complaint-affidavit ng Ombudsman, binanggit ang mga testimonya nina Guteza at dalawa pang dating bodyguard tungkol sa umano’y sistematikong paghahatid ng malalaking halaga ng pera na tinatawag umanong “basura” at inilalagay sa mga maleta.
Kabilang din sa mga naunang pahayag ang umano’y sunod-sunod na paghahatid ng pera sa mga ari-arian na iniuugnay kay Romualdez sa McKinley, Manila Polo Club townhouse at Forbes Park.
Samantala, sinabi ng Assistant Ombudsman na si Mico Clavano na maaaring maharap sa kasong plunder ang tatlong dating bodyguard na bumawi ng kanilang testimonya, kasama si Romualdez. Hindi pa malinaw kung haharap din sa kaso si Guteza.
Patuloy namang sinusuri ng Ombudsman ang mga natitirang testimonya at iba pang ebidensiya sa imbestigasyon sa umano’y flood control kickback scheme.










