Sumang-ayon ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang o guardian na magsumite ng birth certificate ng kanilang anak isang beses lamang para sa buong K-12 education.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ito ay tugon sa hinaing ng maraming magulang na nahihirapan sa mga dokumentong kinakailangan tuwing enrollment, lalo na kung ito ay nawawala o naantala.
Layunin nitong mapabilis ang proseso, makatipid ang mga pamilya, at masigurong walang batang mawawalan ng unang araw ng klase dahil lang sa kakulangan ng papeles.
Sa ilalim ng bagong patakaran, kailangang isumite ang orihinal o certified true copy ng PSA-issued birth certificate.
Kung hindi pa ito agad makuha, maaaring pansamantalang magsumite ng secondary documents gaya ng National ID, PWD ID, PhilHealth ID, Certificate of Live Birth, Barangay Certification, o Affidavit of Undertaking hanggang Oktubre 31.
Bukas din ang enrollment para sa in-person at remote setup, habang pinapayagan din ang self-enrollment ng mga nasa legal age.
Inaasahan ng DepEd na mas maraming mag-aaral ang makakapagpatala ngayong taon sa public schools, mula Hunyo 9 hanggang 13, 2025, bago ang pasukan sa Hunyo 16.